ARIEL H. CUSTODIO

My photo
RIYADH, KINGDOM OF SAUDI ARABIA, Saudi Arabia

Tuesday, October 19, 2010

Napakahalaga ng Panalangin sa Isang Lingkod ng Dios our Greatest Weapon

“Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo at ang pinto’y bubuksan para sa inyo.” (Mateo 7:7)

Ang panalangin o pagdarasal ay isang uri ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Katulad nito’y isang tulay na nagdurugtong sa lupang ating tinitirhan at sa malayong kinaroroonan ng langit. Noon pa mang nilikha ng Diyos ang sangkatauhan ay isinasagawa na ang pananalangin upang maipahayag ng tao ang kanyang saloobin sa Maykapal. Hanggang sa kasalukuyan, ito’y patuloy nating isinasabuhay sa araw-araw mula sa pagmulat ng mga mata sa umaga hanggang sa muling humiga at matulog.

Ito’y isang uri ng komunikasyon, ngunit sa katotohanan, higit pa ito sa anumang teknolohiyang nilikha ng tao para sa pagpapalitan ng mensahe. Hindi ito nangangailangan ng elektrisidad upang gumana o kaya’y signal upang makapagpadala ng mensahe sa kaibigan. Ang kailangan lamang sa isang panalangin ay taus-pusong pag-abot sa kamay ng Diyos.

Sa pamamagitan ng pagdarasal ay naipaaabot natin sa kalangitan ang ating pasasalamat sa lahat ng mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Nagpupuri tayo sa kanyang kadakilaan sa bawat pagsikat ng araw sa umaga; sa bawat pagtanggap ng pagkain sa hapag; sa bawat pagsasama-sama ng pamilya; sa bawat maluwalhating paglalakbay; sa bawat gawain; at sa buong maghapong nagdaan; at sa buhay na patuloy niyang ipinagkakaloob sa bawat isa.

Sa mataimtim na pagdarasal ng tao, nagpapahayag siya ng kanyang pagsisisi sa lahat ng nagawang mga kasalanan. Mula sa kanyang puso ay humihingi siya ng kapatawaran at nangangakong magbabagong-buhay. Sa isang matapat na panalangin at pagbabalik-loob, nagbibihis sa bagong anyo ang kanyang puso at nalilinis ang kanyang kaluluwa upang muling maging busilak sa pangakong magiging mabuting tao.

Sa bawat matapat na panalangin ay nagbubukas ang pinto ng kaharian ng Diyos. Ang bawat bulong ng pusong nangangarap at umaasa ay naririnig ng Diyos at tunay na pinakikinggan. Katulad nito’y awit ng mga anghel sa kalangitan sa saliw ng mga lira’t trumpeta. Iniaalay natin sa mapagpalang kamay ng Diyos ang lahat ng ating mga kahilingan para sa ating pamilya, kaibigan, kapwa-tao, bayan, at para sa sarili ayon sa pangangailangan ng bawat taong sa kanya ay dumudulog. Inihahandog natin ang ating mga pangarap sa kanya at umaasa sa isang maaliwalas na kinabukasan. Subalit, hindi pa man tayo humihiling ay batid na niya ang ating mga pangangailangan kaya’t alam niya ang makabubuti sa ating lahat.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.” (Mateo 6:5)

Ang bawat panalangin ng tao ay nagbibinhi sa kanyang puso. Kung ito ay matapat at walang anumang uri ng pagbabalat-kayo, ang binhi sa kanyang puso ay kaagad na yumayabong hanggang sa umabot sa kalangitan at doo’y isa-isang pinipitas ng Diyos ang mga bunga nito. Subalit ang isang mapagpaimbabaw na pagdarasal ay tulad naman ng isang binhing itinapon sa batuhan at hindi man lamang umusbong upang lumago at magbunga kundi kaagad na namatay.

“Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming mga salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pinakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita.” (Mateo 6:7)

Ang katauhan ng isang tao ay nasasalamin din sa kanyang pagdarasal. Sa katotohanan, ito’y hindi lamang mga salitang binibigkas ng tao sa pananalangin kundi isang uri ng kanyang paniniwala at pamumuhay. Wala ito sa dami ng mga panalangin na kanyang ibinubulong kundi sa kung paano siya mabubuhay ayon sa diwa ng kanyang mga dinarasal na tapat at tunay na nagmumula sa kanyang puso.

Sa bawat pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, ang tao’y naniniwala na mayroong Amang nasa langit na lumikha sa kanya at sa lahat ng bagay na kanyang nakikita at hindi nakikita. Lahat ng kaganapan sa kanyang buhay at paligid ay pinananaligan niyang dahil sa kapangyarihan ng Diyos at ito ay kanyang kalooban. At walang ibang dapat sambahin kundi ang Diyos lamang.

Sa bawat pagsisisi sa mga kasalanan, ang tao’y naniniwala na mayroong Diyos na nasa langit at labis na nasasaktan sa tuwing siya’y gumagawa ng pagkakasala. Siya rin ay nananalig na hahatulan siya ng Diyos ayon sa kanyang mga ginagawa. Subalit higit sa lahat, siya’y umaasa na ang Diyos ay mapagpatawad sa mga taong tapat ang pagsisisi at laging handang tumanggap muli sa mga anak na tumatalikod.

Ang paghiling sa Diyos ay isang tanda rin ng pag-asa sa kanya sa lahat ng panahon. Ito ay nagangahulugan na hindi natin kayang mag-isa. Kailangan natin siya sa ating buhay at walang ibang higit na makatutulong sa atin kundi siya lamang. Siya ang bukal ng biyaya kung saan nagmumula ang lahat ng bagay na ating tinatanggap napapansin man natin ito o hindi. At ang pagdalangin para sa ating kapwa ay salamin din ng ating malasakit sa isa’t isa. Kadalasan, iniisip pa nga ang kalagayan ng kapwa kaysa sa sariling kahilingan.

Ang buhay ay isang panalangin. Ang bawat salita at pamamaraang isinasagawa ng tao sa kanyang pagdarasal sa Diyos ay katumbas ng bawat kilos na kanyang isinasabuhay upang maging ganap na karapat-dapat sa pagbubukas ng pinto ng kaharian sa kanyang bawat pagkatok.

Ano ang halaga ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos kung ang mga biyayang kanyang ipinagkakaloob ay hindi natin pinahahalagahan? Ang bawat biyayang nagmumula sa kanya ay dapat gamitin ayon sa kanyang kalooban upang parangalan ang kanyang pangalan. Ito’y marapat na ibahagi sa ating kapwa para sa ikabubuti ng isa’t isa.

Ano ang halaga ng paghingi ng tawad sa Diyos kung hindi naman tayo marunong magpatawad sa mga taong nagkakasala sa atin?

“Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.” (Mateo 6:14-15)

Isa nga namang kahangalan ng alipin ang humingi ng pagpapatawad ng kanyang hari kung siya mismo’y mapagmataas at hindi nagpapatawad sa kanyang kapwa aliping nagkakasala sa kanya.

Ano ang halaga ng ating pananalangin para sa kapakanan ng ating kapwa kung ating ipinagdaramot kahit maliit na bahagi ng ating kakayahan upang makatulong?

Ano ang halaga ng paghiling sa Diyos kung walang nakikitang pagsisikap mula sa ating mga sarili. Madalas nating marinig: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang pag-aalay ng isang pangarap sa Diyos ay paghahandog din ng kanyang panahon upang ito ay pagsikapang abutin sa mabuting paraan. Hindi ito ibinibigay sa isang pitik lamang ng daliri kundi sa panahong ikaw ay karapat-dapat dahil sa iyong paggawa sa buhay.

Ano ang halaga ng panalangin kung walang pananampalataya? Ano ang karapatang tumawag ng tao sa Diyos kung wala kahit na katiting na pag-asang nababanaag mula sa kanyang puso?

Ano naman ang halaga ng pananampalataya sa Diyos kung hindi natin tinatanggap si Hesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas?

Sapagkat ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos upang maging daan patungo sa kanyang kaharian. Siya ang katotohanang naghahari sa ating buhay. Kaya’t sa bawat pananalangin, tumatawag tayo sa Amang Lumikha sa pamamagitan ng kanyang banal na pangalan. Ano ang halaga ng ating pananampalataya kung hindi tayo nananalig na si Hesu-Kristo ang daan, katotohanan, at buhay?

Ang buhay ay isang panalangin. Ang bawat pananalangin ay bukal ng pag-asa. Ang pag-asa sa Diyos ay isang pananampalataya. At ang pagtugon sa pananampalataya ay isang uri ng pamumuhay ng tao.

Ano ang karapatang tumawag ng tao sa Diyos kung wala kahit na katiting na pag-asang nababanaag mula sa kanyang puso?
Magtiwala lamang tayo sa Diyos sa ating bawat panalangin.

“Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi, nakasusumpong ang bawat humahanap, at binubuksan ang pinto ng bawat kumakatok.” (Mateo 7:8)

No comments:

Post a Comment