ARIEL H. CUSTODIO

My photo
RIYADH, KINGDOM OF SAUDI ARABIA, Saudi Arabia

Tuesday, October 19, 2010

ALAM MO BA KUNG BAKIT KA NABUHAY SA MUNDONG ITO

Ano ang kahulugan ng buhay?





Ano ang kahulugan ng buhay? Paano ako makasusumpong ng layunin, katagumpayan at kasiyahan sa aking buhay? mayroon ba akong potensiyal para tapusin ang isang bagay na may pangmatagalang kahalagahan? Napakaraming tao ang hindi pa tumitigil sa pag-iisip kung ano nga ba ang kahulugan ng buhay. Kanilang tinitingnan ang mga taong nagdaan at nagtataka sila bakit hindi nagtagumpay ang kanilang mga relasyon at pakiramdam nila'y walang saysay ang lahat ng kanilang mga ginagawa, kahit maabot pa nila ang mga ninanais nilang tuparin sa buhay. May isang sikat na manlalaro ng larong baseball, napapabilang siya sa prestihiyosong baseball “Hall of Fame.” Tinanong siya kung ano ang nais niyang sinabi sana sa kanya bago pa man siya nagsimulang maglaro ng baseball. Sumagot siya, nais ko sanang may nagsabi sa akin noon pa, na kung maabot ko man ang tuktok ng tagumpay wala pala itong laman. Maraming mga pangarap ang nadiskureng wala palang saysay matapos ang ilang taong nasayang sa pagsusumikap na makamit ito.

Sa ating makataong sosyudad, sinisikap ng mga tao na makamit ang ilang mga layunin, iniisip nila na dahil sa kanilang mga ginagawa ay masusumpungan nila ang kahulugan ng kanilang buhay. Ang ilan sa kanilang pinagsisikapang maabot ay ang tagumpay sa negosyo, pagkamal ng kayamanan, mabuting relasyon, pakikipagtalik at paggawa ng mabuti sa kapwa at iba pa. Subalit maraming tao din ang nagsabing sa kabila ng nakamit na nila ang lahat ng kanilang mga pangarap kagaya ng kayamanan, relasyon at kasiyahan, parang mayroon pa ring kulang, isang butas mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na kailanma'y hindi kayang punan ng ano pa mang bagay.

Isinalarawan ng may-akda ng librong Mangangaral ang kanyang nararamdaman nang sinabi niyang walang kabuluhan, walang kabuluhan, ganap na walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan. Ang may-akda ng libro ay isang napakayamang tao, napakatalino rin niya kung ikukumpara sa mga tao sa kapanahunan niya at maging sa panahon natin. Napakarami rin niyang mga babae, palasyo at hardin na kinaiinggitan ng ilang mga kaharian. Nasa sa kanya rin ang pinakamasarap na mga pagkain at alak at lahat ng uri ng mapaglilibangan. Sinabi din niya na dumating sa punto ng kanyang buhay na lahat ng gusto ng kanyang puso ay sinikap niyang maabot subalit sinabi pa rin niyang ang buhay ay walang kabuluhan. Bakit may ganoong kakulangan? Sapagkat nilalang tayo ng Diyos para sa isang mas mataas pa na patutunguhan at hindi lamang limitado sa mga nararanasan natin ngayon dito sa mundo. Sabi nga ni Solomon, inilagay ng Diyos sa puso ng tao ang pagnanasa sa walang hanggang bagay. Sa ating mga puso alam nating ang "Dito at Ngayon" ay hindi ang siyang kabuuan ng ating buhay. Alam nating mayroon pang mas higit dito.

Sa unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, makikita natin na nilalang ng Diyos ang tao hango sa Kanyang larawan (Genesis 1:26) Ang ibig sabihin nito ay mas kagaya tayo sa Diyos kumpara sa kung ano pa mang bagay.Nalaman din nating nahulog sa kasalanan ang tao. Ang mga sumusunod ay totoo: (1) Ginawa ng Diyos ang tao na marunong makisama (Genesis 2:18-25), (2) Binigyan ng Diyos ang tao ng trabaho (Genesis 2:15), (3) Nakipaghalubilo ang Diyos sa tao(Genesis 3:8) at (4) Ibinigay ng Diyos sa tao ang pamamahala sa mundo. (Genesis 1:26) Ano ba ang kahalagahan ng mga nabanggit? naniniwala akong ang lahat ng ito ay ibinigay ng Diyos upang maging ganap ang kasiyahan at katagumpayan ng tao. Subalit ang lahat ding ito lalong lalo na ang pakikipaghalubilo ng Diyos sa tao ay naapektuhan ng mahulog ang tao sa kasalanan (Genesis 3).

Sa huling aklat ng bibliya, ang Pahayag. Sinasabi dito na sa kahuli-hulihan, inihayag ng Diyos na sisirain niya ang kasalukuyang mundo at langit at gagawa siya ng bagong mundo at kalangitan. Sa ganoong panahon, ibabalik rin niya ang pakikipaghalubilo sa mga taong kanya nang tinubos. Ang ilang mga taong nahatulang hindi karapat-dapat ay itatapon sa lawa ng apoy.(Pahayag 20:11-15) At ang sumpa ng kasalanan ay mawawala na, wala nang kasalanan, kalungkutan, karamdaman, kamatayan, kasakitan at iba pa. (Pahayag 21:4) Ang lahat ng mananampalataya ay magmamana ng lahat ng mga bagay. Ang Diyos ay maninirahan sa kanila at sila ay magiging anak ng Diyos. (Pahayag 21:7) Ginawa tayo ng Diyos upang makasama Siya. Nagkasala ang tao at dahil dito naputol ang relasyon natin sa Diyos, subalit ibinalik ng Diyos ang naturang relasyon ng buong-buo sa mga taong karapat-dapat sa Kanya.

Ngayon, ang mabuhay na makamit lahat ang kagustuhan at mamatay na hiwalay sa Diyos ay mas malala pa sa anupamang bagay! Subalit hindi lang ginawa ng Diyos na posible ang walang hanggang kaligayahan (Lucas 23:43) Sa halip ginawa rin Niyang ganap at makabuluhan ang ating buhay sa mundo. Ngayon, paano natin makakamit ang walang hanggang kasiyahan at ang langit dito sa lupa?

Ang Kahulugan ng Buhay na Tinubos ni Hesu Kristo

Ang totoong kahulugan ng buhay ngayon at ang buhay na walang hanggan ay matatgpuan lamang kung ibabalik ng isang tao ang kanyang relasyon sa Diyos. Naputol ang naturang relasyon noong panahon na nagkasala si Adan at Eba. Ngayon, ang relasyon sa Panginoon ay posibleng maipanumbalik sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo. (Gawa 4:12, Juan 14:6, Juan 1:12) Makakamit ng isang tao ang buhay na walang hanggan kung pagsisisihan niya ang kanyang mga kasalanan (Kung ayaw na niyang ipagpatuloy ang kanyang pagkakasala, at nais niyang baguhin siya ni Hesus at gawing bagong nilalang) at magsisimula siyang manampalataya kay Hesus bilang kanyang tagapagligtas ( Tingnan ninyo ang katanungang "Ano ang Plano ng Kaligtasan" para sa karagdagang impormasyon sa ganitong napaka-importanteng isyu.)

Ang totoong kabuluhan ng buhay ay hindi matatagpuan kung nadiskubre lang natin na si Hesus ay ang tagapagligtas. Sa halip, ang totoong kahulugan ng buhay ay matatagpuan kung ang isang tao ay susunod kay Kristo bilang Kanyang disipulo, kikilalanin Siya, Magbigay ng oras sa Kanya at sa Kanyang Salita, Ang Bibliya. Pakikipag-usap sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, at paglalakad kasama ang Panginoon, bilang pagsunod sa kanyang kautusan.

Kung ikaw ay hindi mananampalataya maaaring sabihin mo sa iyong sarili na "Hindi yan kaaya-aya o hindi yan ang magdudulot ng kaganapan sa aking buhay" Subalit kung maaari ipagpatuloy mo ang iyong pagbabasa. Sinabi ni Hesus ang mga sumusunod na salita.

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.” (Mateo 11:28-30) “Naparito ako upang ang mga tupa’y magkakaroon ng buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya”(Juan 10:10b) “Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, Kung ibig ninuman na sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit noon.” (Mateo 16:24-25) Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo’y iyong makakamtan (Awit 37:4).

Ang sinasabi ng naturang mga talata ay mayroon tayong kapangyarihang pumili. Maaari nating ipagpatuloy na giyahan ang ating sariling buhay (bilang resulta nito ay walang saysay na buhay) o puwede nating piliin ng buong puso ang Diyos at ang kanyang kagustuhan sa ating buhay.(Magreresulta ito sa buhay na ganap, katugunan sa mga hangarin ng iyong puso at pagiging kontento sa buhay.) Mangyayari ito dahil minamahal tayo ng ating tagapaglikha at ang nais Niya ay para sa ating kabutihan.(Hindi ibig sabihin nito ay walang suliraning buhay, kung hindi isang ganap na buhay.)

Sa pagtatapos nais kong ibahagi ang isang kuwento mula sa isang kaibigang pastor. Kung ikaw ay isang mahilig manood ng laro at nakapag-desisyon kang pumunta at manood sa isang larong propesyunal. Puwede kang magbayad ng hindi ganun ka mahal na tiket subalit ang iyong uupuan ay napakalayo. O puwede ka ring magbayad ng mas mahal na tiket subalit mas malapit ka naman sa mga atleta at sa aksiyon. Kagaya din ito sa ating buhay Kristiyano. ang panonood sa kilos ng Diyos ay hindi trabaho ng mga hindi mananampalataya, kung hindi ang panonood sa kilos ng Diyos ay trabaho ng buong pusong mananampalataya kay Kristo na totoong tumigil na sa pagsisikap na maabot ang kanyang mga kagustuhan sa buhay, upang masunod niya ang kagustuhan ng Diyos.(Isinuko na nila ng buong puso ang kanilang buhay kay Kristo at sa Kanyang kagustuhan.) Nararanasan nila ang kaganapan ng kanilang buhay, puwede silang humarap sa kanilang sarili, sa kapwa, at sa Diyos ng walang pagsisisi.

Isinuko mo na ba ang iyong buhay kay Hesus at sa Kanyang kagustuhan? nais mo bang gawin ito? kung gagawin mo ito, hindi ka na muli maghahanap pa ng kahulugan at layunin sa buhay sapagka't natagpuan mo na ito.

No comments:

Post a Comment