Ang Tunay na Pag ibig
Maraming kahulugang ibinibigay sa salitang pag-ibig. Sa mga love songs, sa mga babasahin, sa mga pelikula, iba’t iba ang kahulugan ng pag-ibig. Pero sa biblia lang talaga natin makikita ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Ito’y makikita sa aklat ng 1 Corinto 13: 4-7 “Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang loob; hindi naiinggit ang pag-ibig. Hindi pinangangalandakan ang sarili ng pag-ibig. hindi nagmamapuri o nagmamataas; hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawaing masama ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata o matiisin, nagtitiwala, puno ng pag-asa at magtitiyaga hanggang wakas.”
Nang nanirahan dito sa lupa ang Panginoong Hesus, ipinamuhay niya ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Ginugol niya ang kaniyang buhay para sa kapakanan ng iba. Nangaral siya, nagpagaling ng may mga sakit, ginabayan ang tao sa tamang landas at ibinigay ang buhay niya para sa kaligtasan nating lahat. Kailanman hindi niya inisip ang sarili niyang kapakanan. Iniwan niya ang kaluwalhatian sa langit para makapiling tayo.
Ang sabi sa biblia sa 1 Juan 4 :7-8 “Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilalala sa Diyos sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” At sa Juan 13;35 sinasabing “Kung kayo’y mag-iibigan makikilala ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”
Marami sa atin ang nagsasabing iniibig natin ang Diyos. Marami sa atin ang nagsasabing tayo ay Kristyano. Mapapatunayan natin ito sa pamamagitan ng ating pag-ibig sa taong pinakamalapit sa ating buhay, sa ating asawa.
Hindi madaling umibig ng tapat lalo na sa dami ng tukso sa paligid natin, lalo na kapag nakikita natin ang kahinaan at kakulangan ng ating asawa, lalo na kung ang lipunang ating kinabibilangan ay sumasang-ayon sa divorce. Alam niyo bang hindi rin madali para kay Hesus? Marami ang umusig sa Kaniya. Marami ang namuhi at hindi naniwala sa Kaniya sa kabila ng lahat ng kaniyang kabutihang ginawa sa tao. Ngunit pinili niyang umibig. Kaya’t noong siya’y nakapako sa krus, sinabi niya sa Diyos Ama na patawarin ang mga taong nagpapako sa kaniya dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa.
Kung pipiliin nating magtapat sa ating pag-ibig sa ating asawa, sapat ang biyaya ng Diyos para sa atin dahil kalooban niya na magsama habang buhay ang kaniyang pinagbuklod.
GodBless to all..
No comments:
Post a Comment